Expo 2020 Dubai, inaasahang makatutulong sa ekonomiya ng Pilipinas; UAE-PH trade nasa mahigit Dh1.3 billion na
Tinataya ring makakatulong ang naturang global event sa pagpapalakas ng ekonomiya ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagtaas ng demand para sa Filipino workers.
Shin Kitane | September 02, 2021
Tumaas ng 32% ang total trade (import at export) sa pagitan ng UAE at Pilipinas bago pa man magbukas ang Expo 2020 Dubai. Ayon sa ulat ng Department of Trade and Industry (DTI) at Khaleej Times, inaasahang mahihigitan pa ng trade ngayong taon ang pre-pandemic trade levels sa pagitan ng dalawang bansa.
Tinataya ring makakatulong ang naturang global event sa pagpapalakas ng ekonomiya ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagtaas ng demand para sa Filipino workers sa mga sumusunod na sektor:
- Tourism
- Travel
- Events
- Hospitality
- Retail
- Construction
- Logistics
- IT-BPM
Sa kasalukuyan, umabot na sa Dh1.33 billion ang halaga ng import at export sa pagitan ng dalawang bansa sa loob lamang ng limang buwan (January to May 2021):
- Imports: Dh918 million
- Exports: Dh411 million
Inaasahan ng DTI na mas tataas pa ang kabuuang halaga ng trade sa pagitan ng UAE at Pilipinas kapag nagbukas na ang Expo 2020 sa darating na Oktubre. Ayon kay Alternate Commissioner General Rosvi C. Gaetos, Assistant Secretary para sa Trade Promotions Group sa PH Expo 2020 Dubai, layunin ng Pilipinas na ipakita sa mga global investors na dadalo sa Expo 2020 ang magagandang investment opportunities sa Pilipinas.
“During the Expo, the country hopes to strengthen its trade partnership with the UAE and the greater Middle East region on key sectors. With the magnitude of global publicity of Expo 2020 Dubai, we are positive that the Philippine participation will contribute to enhancing international goodwill for the Philippines and, more im-portantly, create more interest in the Philippines as a competitive and innovative trade partner. Expo 2020 Dubai will act as a catalyst for Philippines to penetrate the world’s fastest emerging markets in the Middle East, Africa, and South Asia, a region of more than 3.2 billion people, with a collective GDP of more than Dh24 trillion,” pahayag ni Gaetos.
Bibida ang kulturang Pinoy sa "Philippines Pavilion" ng Expo 2020, kung saan ang "Bangkóta" ay nasa hugis ng Philippine coral reefs. Makikita sa exhibit ang mga sumusunod na highlights ng Philippine culture:
- Sining, arkitektura, at disenyong Pinoy (kabilang dito ang walong iskultura na gawa ng Pinoy artists patungkol sa PH history)
- 4,000 na taong halaga ng kasaysayang natural at kultural ng Pilipinas
- Mga Pinoy handicrafts, products, at souvenirs sa Go Lokal! at Marahuyo boutique
- Pagkaing Pinoy na tampok sa Mangrove Cafe
Ang Expo 2020 ang pinakamalaking event sa Middle East na inaasahang dadaluhan ng mga exhibitors at attendees mula sa 190 na bansa. Dahil dito, inaasahan ng DTI na magiging magandang oportunidad ito para maipakita sa global investors ang kultura, kasaysayan, at teknolohiyang Pinoy. Patitibayin umano ng event ang kumpyansa ng global investors sa Pilipinas at patataasin ang demand para sa Filipino workers. Inaasahan ang pagtaas ng naturang demand para sa Filipino manpower and talent, maging sa Pilipinas man o abroad dahil sa mga panibagong business opportunities at partnerships na mabubuo.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa Philippines Pavilion ng Expo 2020, bumisita lamang sa kanilang website, Facebook, Twitter, o LinkedIn.
Ang Expo 2020 Dubai ay gaganapin mula October 1, 2021 hanggang March 31, 2022. Bukas ang exhibit kada 10:00 hanggang 22:00 araw-araw. Para sa tickets, bumisita lamang sa kanilang website.
Image Credit: Expo 2020 Dubai Website