16-year-old Pinoy cyclist sa Dubai, lalaban sa pinakamagagaling na junior cyclists sa Europa
Si Lumanlan ang may hawak ng record bilang pinakabatang winner ng Spinneys Dubai 92 Men’s Elite Race, na ginanap noong Abril
Image Credit: Lance Lumanlan
Malaking karangalan para kay Lance Lumanlan, estudyante ng GEMS Winchester School, Dubai, na makabilang sa Bathco Cycling Team ng Spain. Pumirma siya ng kontrata kamakailan lamang para sumailalaim sa training kasama ang Bathco Cycling team, kung saan makikipag sabayan siya sa mga pinakamahuhusay na junior cyclists sa buong Europa.
Nagsimulang mag-cycling si Lance noong apat na taong gulang pa lamang siya. Nagsimula naman siyang mag-compete sa edad na 14, noong nag-offer ang Al Nasr Cycling Club na maging parte siya ng kanilang team.
Para kay Lumanlan, magandang oportunidad ang training sa Bathco para sa kaniyang pangarap na maging pro athlete balang araw. “My plans are to go to Europe and race with some of the best juniors in the world, hoping that this will open some doors that could help me pursue my dreams of turning pro,” aniya.
Dadalhin rin ng 16-year old athlete ang bandera ng Pinas sa paparating na UCI Men’s Junior World Championships ngayong Setyembre.
Si Lumanlan ang may hawak ng record bilang pinakabatang winner ng Spinneys Dubai 92 Men’s Elite Race, na ginanap noong Abril.
26 na ang races na kinabilangan ni Lumanlan, with 40 podium finishes. Ang kaniyang ama, na 15 years ding naging road cyclist, ang naging inspirasyon niya para pasukin ang naturang sport.