Muling itatayo ng Pinoy singer na si Vincent Bueno ang bandera ng Pilipinas sa nalalapit na Eurovision Song Contest 2021. Bilang isang Filipino-Austrian, siya ay kakatawan sa Austria sa naturang European song contest. Ang Eurovision ay taunang patimpalak ng mga bansa sa Europa. Kabilang sa mga nakasungkit ng award mula rito ang ABBA (1974) at si Celine Dion (1988).
Malaking karangalan ito para kay Bueno, lalo na sa panahon ngayon na laganap ang asian hate sa gitna ng pandemya. Aniya, bilang kaisa-isang full-blooded Filipino na napili ng Austria bilang pambato sa contest, isa umano itong statement hinggil sa pagiging bukas ng Austria sa mga Asyano. Para kay Bueno, mahalagang plataporma ito para magamit niya ang kaniyang boses sa pagtindig laban sa racism.
Aawitin ni Bueno ang kaniyang pambatong kanta na “Amen” habang suot ang isang Michael Cinco creation. Aniya, malaki rin ang pasasalamat niya sa Filipino designer na hindi nakalimot sumuporta sa kapwa Pilipino sa kabila ng kaniyang estado bilang world-class designer.
Inaasahan ni Bueno na sa kaniyang paglaban sa Eurovision, magiging malinaw rin ang mensahe hinggil sa asian hate. Ayon sa singer, personal niyang naranasan ito nang may nagsabi sa kaniyang “You, virus” sa daan. Payo niya sa mga kapwa Asyano, i-call out ang mga gumagawa nito.
Ang Eurovision 2021 ay gaganapin sa Rotterdam, The Netherlands. Para sa karagdagang impormasyon, tumungo sa https://eurovision.tv/.