Napag-usapan ang planong pagpapakasal ng long-term couple at loveteam na sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla dahil sa kanilang upcoming digital series na "The House Arrest of Us." Gaganap sila bilang soon-to-be-wed couple sa family-oriented show na ito, na ipapalabas sa TFC IPTV, iWantTFC, at ktx.ph.
Nabanggit ni Daniel sa virtual presscon para sa kanyang upcoming digital concert na "Apollo" ang ilan sa kanyang mga personal goals. Nang tanungin tungkol sa marriage plans nila ni Kathryn, inihayag ni Daniel na gusto niya sanang magpakasal within the next five years. Aniya, mas maganda raw kung bago sila tumungtong ng 30 years old ay makapagpakasal na sila ni Kathryn. Eight years nang magkasintahan ang dalawa, at nananatiling isa sa mga biggest on-screen loveteams bilang KathNiel, sa kabila ng kani-kaniyang mga pelikula at proyekto.
Bagama't wala pa raw silang specific plans na napag-uusapan ni Kathryn, may dream wedding na si Daniel: “My dream wedding would be a beach wedding… Ang nakikita ko talaga after three or four years, basta before ako mag-30, iyon ang gusto ko,” ayon sa singer-actor.
Para kay Daniel, konektado ang plano nilang magpakasal before turning thirty sa kaniyang kagustuhan na bumuo ng pamilya. “Why not? Why wait?” ani Daniel, nang mapag-usapan ang pagbuo ng pamilya. “Kung okay naman ang sitwasyon. At least kung hindi ka pa masyadong matanda, puwede ka pa makipaglaro. Kaya rin gusto ko siya maging goal, iyong edad.”
Sa ngayon, masaya ang dalawa sa set ng "The House Arrest of Us," ang rom-com series nila na wordplay ng kanilang previous box-office hit movie na "The Hows of Us." Hindi raw ito sequel ng pelikula kundi panibagong storya at karakter na may bagong episodes kada linggo.
Panoorin ang kanilang interview tungkol sa "The House Arrest of Us" dito.