Pinay comedian sa Dubai, bumenta ang jokes tungkol sa buhay-Middle East
Humakot ng tawa ang jokes ng Pinay comedian na si Imah Dumagay sa isang stand-up comedy event sa Dubai.
Shin Kitane | August 12, 2021
Humakot ng tawa ang jokes ng Pinay comedian na si Imah Dumagay sa isang stand-up comedy event sa Dubai. Tungkol sa “Filipina stereotypes” ang set ni Imah, na talaga namang bumenta sa audience.
“I am from the Philippines but I am not taking any orders tonight,” pagbubukas niya, patungkol sa sterotype na lahat ng Pinoy sa Middle East ay nagtatrabaho sa service industry. “Where is that guy asking for water earlier? Sir, we are not all waitresses! But if you’re looking for a maid, I’m available on Saturdays. I’m very good at cleaning; I clean from the ceiling down to your marriage,” banat ni Imah.
Tinalakay rin niya sa ibang set ang “curse of being so nice” ng mga Pilipino, kung saan hindi tayo sanay na maka-offend ng ibang tao, lalo na kung tayo’y nasa ibang bansa. Pabirong sinabi ni Imah na baka kung may tumusok daw ng mata niya, sa halip na magalit ay baka tanungin pa niya ang “Madam” kung ok lang ba ang daliri niya. “Madam! Is your finger ok?” biro ni Imah habang hawak ang mata.
Tubong Mindanao ang 38-year old na comedian, na matagal ring nagtrabaho sa Dubai. Nagtrabaho siya sa advertising at banking industries, at naging executive secretary din bago siya magdesisyoung maging full-time comedian.
Nasa 2.2 million OFWs ang kasalukuyang nagtatrabaho sa Middle East ngayon. Para kay Dumagay, hindi lang katatawanan ang gusto niyang ipamahagi sa pamamagitan ng kaniyang mga sets. Aniya, gusto niya ring mabigyan ng awareness ang paghihirap ng kaniyang mga kababayan, lalo na ang mga inabuso habang nagtatrabaho sa Gitang Silangan. Para sa kaniya, magandang behikulo ang comedy para masabi niya ang gusto niya.
“I want to kind of be a voice for them,” pahayag ni Dumagay sa The Associated Press. “When you use your platform, you send a message to people. Comedy is a great method to send your message across.”
Kasalukuyang bumabalik sa normal ang live events scene sa Dubai, kung kaya’t nakapag-perform si Dumagay kamakailan, kasama ang ilang Emirati, British, at American comedians. Para sa karagdagang content mula sa Pinay comedian sa Dubai, bisitahin ang kaniyang YouTube channel.
Isang comedy set mula sa Sept 2019 performance ni Imah