Patuloy na mino-monitor ng mga Pilipino sa Eswatini ang sitwasyon sa kanilang smartphones.
Photo Credit: Nataniel Villanueva Espineda
MBABANE – Sumiklab ang malawakang protesta sa Eswatini, ang dating Swaziland bunsod ng kanilang galit sa kanilang hari – si King Mswati III, ang nag-iisang absolute monarch sa Africa.
Dahil sa mga pagsunog at looting ng supermarkets nitong mga nakaraang araw, inutos na ng gobyerno ang curfew mula ala-sais ng gabi hanggang ala-singko ng umaga.
Umiiral na rin ngayon doon ang Martial Law, kanselado na rin ang flights papasok at palabas ng nansa at apektado na rin ang serbisyo ng telepono at internet.
Ayon sa mga Swazi na nakausap ng mga Pilipino roon, Democratic Reforms na ipinagkait, malawakang kahirapan, pag-abolish ng monarkiya, malawakang kurapsyon at grandiyosong pagwawaldas ng gobyerno, kasama na ang palpak na pagtugon laban sa pandemya umano ang nagsilbing mitsa ng protesta.
Dahil sa kaguluhan, naiipit tuloy ang mga kababayan natin doon.
“Nagkakaroon ng mga protest, yung mga apektado yung gusto ng democracy, yung gusto ng pagbabago kaya medyo lumalala yung sitwasyon. Nagsusunog na po sila. Ang target po nila yung property ng hari, sunugin para ma-obliga siya na humarap sa negotiating table,” kwento ni Dario Galario, pangulo ng Filipino Swaziland Association.

Mbabane, Eswatini. Photo credit: Geography Realm
Malalaking sunog at putukan ang araw-araw nilang nakikita at naririnig mula pa noong nakaraang linggo.
“Nakikita po naming malaking sunog po at maraming putukan po dito,malapit sa amin.Yung malalaking establishments kagaya ng department stores sunog na po at pinasok nila yung mga pagkain. So far wala naman po silang sinasaktan na mga tao,” sabi ni Brian Tingapngap, OFW sa Eswatini.
“Takot syempre, pero ‘di mo rin naman kailangan ipakita na takot ka kasi kailangan mong maging malakas. Dito na po ako lumaki first time pong nangyaring ganito kasi usually yung protest nila after one day tapos na po, wala na,” sabi ni Nataniel Espined, OFW sa Eswatini.
Dahil sa pandemya, mahihirapan umano ang Filipino Community sa kanilang Evacuation Plan, sakaling lumala pa ang sitwasyon.
“Maraming Pilipino ay expired yung passport kailangang i-renew yung mga bagong panganak na mga bata ipa-register, hindi naman po kayo makaka-cross ng border kung wala kayong visa ng South Africa. Kaso delikado rin pong pumunta ng South Africa dahil mataas po ang cases ng COVID,” dagdag pa ni Galario.
Dahil sa kaguluhan, baka mahirapan din daw ang mga Pilipino roon sa kanilang mga pangangailangan tulad ng pagkain.
“Hindi po namin alam kung saan kami kukuha ng pagkain. Meron man po pero ngayon lang po isang araw pa lang naghahagilap na kami,” dagdag ni Brian Tingapngap, OFW sa Eswatini.
“Na-caught off guard po kami mostly, luckily yung iba po sa amin naka-pag shopping na ng mga pagkain, nakapag-ready na kahit papano. Yung iba wala po kahit gasoline nga po sa sasakyan emptying-empty po yung iba,” dagdag ni Nataniel Espineda, OFW sa Eswatini.
Nanawagan naman ang Philippine Embassy sa Pretoria, South Africa ang may jurisdiction sa Eswatini na masusi nilang mino-monitor ang sitwasyon at nag-abiso sa Filipino Community na manatiling kalmado at iwasan ang mga lugar kung saan may mga demonstrasyon.
Para sa emergency hotline, maaring tumawag sa +27825569935 o mag e-mail sa atn.pretoriape@gmail.com o tumawag sa 999 para sa police assistance.
May humigit kumulang na 300 Pilipino ang naninirahan ngayon sa Eswatini.