Pinuri ng Prince of Wales at tagapagmana ng British throne ang Filipino medical professionals sa UK, para sa kanilang katangi-tanging serbisyo sa British community sa gitna ng COVID-19 pandemic. Aniya, mapalad ang UK na maraming nagtatrabahong Pinoy sa NHS: “We are more fortunate than we perhaps realize to have many thousands of nurses and other health-care workers from the Philippines working in the United Kingdom, particularly in the National Health Service.”
Ibinahagi ni British Ambassador to the Philippines na si Daniel Pruce sa kaniyang Twitter account ang video message ni Prince Charles. Kabilang rin ang mensahe sa selebrasyon ng British Embassy para sa ika-95 na kaarawan ni Queen Elizabeth.
Sa July 4 naman, ipagdiriwang rin ang ika-75 anibersaryo ng bilateral relations sa pagitan ng Pilipinas at ng UK.
“To these wonderfully selfless people, I wanted to offer my most heartfelt gratitude for the outstanding care and comfort you give to your patients. (…) You have made a truly remarkable contribution to the health and well-being of so many people across the country at such a difficult time,” ani Prince Charles.
Mahigit 30,000 Pilipino ang kasalukuyang nagtatrabaho sa UK bilang parte ng National Health Service (NHS). Matatandaang isang Pinoy nurse rin, si May Parsons, ang naghudyat ng simula ng vaccination program ng UK, nang turukan niya ang kauna-unahang Briton na tumanggap ng COVID vaccine.
Bukod pa rito, ilang Filipina nurses na rin ang kinilala ng UK para sa kanilang serbisyo sa kabila ng pandemya. Kabilang dito sina Minnie Klepacz at Charito Romano, na parehong ginawaran ng British Empire Medal.