SHARJAH, UAE – Isang Pinay kasambahay Sharjah, UAE ang napatay umano makalipas makaalitan ang kanyang employer. Kasalukuyang nasa CID Mortuary sa Sharjah ang labi ni Maria Shiegrid Sanchez Santos, 40-taong gulang, taga-Pampanga.
Nakabilanggo na ang amo kasama pa ang tatlong lokal na nasasangkot sa krimen, ayon sa impormasyong nakalap ng TFC News. June 24, nai-report sa Sharjah police ang kanyang pagkamatay. Mapapaso na sana sa Agosto ang Visa ni Santos. Nasabihan na rin ang mister ni Santos sa Pilipinas tungkol sa malagim na sinapit ng kasambahay.
Samantala, nagpaabot ng pakikiramay ang Department of Foreign Affairs at Philippine Consulate sa Dubai at Northern Emirates sa pamilya ni Santos. Siniguro rin ng konsulado na gagawin nila ang lahat para mabigyang katarungan ang sinapit ng ating kababayan.
Makikipagtulungan din sila sa UAE Ministry of Foreign Affairs at law enforcement agencies ng bansa para sa imbestigasyon.
Image Credit: WorldAtlas