Mula sa Ulat ni Maxxy Santiago
Binuksan na ulit ng POLO-Kuwait ang deployment ng mga baguhang household service workers mula sa Pilipinas. Ito ay alinsunod sa direktiba ni DOLE Secretary Silvestre Bello III.
Isang taon ring natigil ang deployment ng Pinoy HSWs dahil sa pandemya, at dahil na rin sa di-pagkakaintindihan ng Pilipinas at Kuwait hinggil sa isang standard contract. Sa ngayon, matagumpay nang napagkasunduan ang Tripartite Contract. Kasama sa mga nakasaad rito ang tamang pasahod at oras ng trabaho, isang araw na day off kada linggo, access sa tawagan o cellphone, paghawak sa sariling passport, at pagkakaroon ng pagkaing angkop para sa mga Pilipino.

Pinangako naman ng Foreign Recruitment Agency o FRA na i-momonitor ng regular ang mga HSWs na madedeploy para masiguradong nasa maayos silang kalagayan. Inaasahang darating sa Kuwait ang mga bagong deploy na HSWs sa katapusan ng Mayo hanggang Hunyo.
Para sa karagdagang impormasyon, panoorin ang kumpletong ulat ng TFC News dito.