February 1, 2021 / Taiwan – Dahil sa kawalan ng trabahong mapagkukunan ng sapat na pagkakakitaan para buhayin ang pamilya, napipilitang magtrabaho abroad ang mga Pinoy. At pagdating sa kagipitan, mga kapwa Pinoy rin ang sumasagip sa ating mga kababayan.
Nakapanayam ng TFC News ang NHWU o National Home-based Workers’ Union na nakabase sa Taiwan na binubuo ng mga unyon ng mga manggagawang Pinoy at Indonesian. Inilunsad ito ng mga kababayang Pinoy noong taong 2017 at ang mga admin staff pawang Pinoy na nakaranas din anila ng illegal works, sexual harassment at physical abuse sa kanilang mga dating employer kung kaya’t ayaw na nilang danasin hangga’t maaari pa ng mga kapwa Pinoy worker ang kanilang sinapit. Ilan lamang sa kanilang masigasig na isinusulong ang pantay na karapatan para sa mga migranteng home-based worker, makataong working conditions at makatarungang pasahod.

Ayon pa sa unyon, iba-ibang klaseng problema ang kinakaharap ng ating mga kababayang home-based worker sa Taiwan tulad ng mga caretaker o domestic helpers:
“Ang pinakamadalas na ilapit na problema ng mga home-based workers ay ang illegal works, sexual harassment, physical abuse, kawalan ng day-off at
mababang sahod. Ang mga caretaker at domestic worker ay kadalasang pinapayagan lang ng isang araw na pahinga sa isang buwan at kung minsan naman ay wala talaga. Kung piliin man nilang mag day off, ito ay kakaltasin sa kanilang sahod at ang kanilang day off ay limitado sa siyam na oras. Kung lumampas din sila sa siyam na oras ay may karampatan itong dagdag na kaltas. Dahil dito, kadalasan sa mga home-based workers ay di na lang pinipili na mag day off dahilan para sila ay ma-overwork,” pagbabahagi ng NHWU.
Kadalasang sahod umano ng home-based workers sa Taiwan ay umaabot sa 17,000 Taiwan dollars o halos 30,000 pesos kada buwan. Ngunit ito ay kinakaltasan pa buwan-buwan ng broker kaya’t ayon sa unyon, natitira na lamang sa worker ay 15-16 NTD kada buwan.
“Dahil din sa closed working environment ng isang home-based worker, nagiging bulnerable sila sa verbal, physical, at sexual abuse…,” ayon pa sa NHWU.
Halos 90 porsyento ng mga problemang idinudulog sa kanila ng mga kababayang home-based worker ay sangkot ang ilegal na trabaho o pagtatrabaho ng hindi naman nakasaad sa kontrata.

Sa kasalukuyan ay hawak nila ang kaso ni alyas Jane, isang Pinay caretaker na dalawang beses nakaranas ng ilegal works sa magkaibang amo bukod pa ang ilegal na koleksyon o mga pinabayaran sa kanya ng kanyang broker. Sa kanyang unang amo, nakasaad sa kanyang kontrata na siya ay mag-aalaga ng elderly pero siya ay pinag-alaga ng dalawang bata at pinaglinis din ng bahay ng kanyang amo. Idinulog niya ito sa CLA o Council of Labor Affairs ng Taiwan na siyang nag-rescue sa kanya sa kinasapitang ilegal na pagpapatrabaho. Sa kanya namang ikalawang employer, pagrerepack ng oyster ang kanyang naging trabaho subalit ganun din, pinaglilinis din siya ng bahay ng amo na hindi naman nakasaad sa kontrata bukod pa rito ang hindi pagbabayad sa kanyang overtime. Sa pagkakataong ito, ang NHWU na ang nagrescue kay “Jane” at binigyan na nila ng assistance ang kababayan para pormal na maghain ng kaso at makahanap muli ng ibang trabaho.
“Ang kaso ni “Jane” ay dumaan sa mediation meeting kung saan nagkaroon ng pag-uusap sa pagitan ng employer, broker, at kay “Jane” na ginanap sa Labor Office. Dahil sapat ang naging ebidensya para patunayan ang ilegal na pagtrato sa kanya ay nabawi ang mga ilegal na siningil sa kanya at nabayaran ang mga overtime pay na hindi nabigay. Siya din ay nakakuha ng transfer letter mula sa Ministry of Labor na nangangahulugang siya ay maaari nang makalipat ng broker at trabaho,” pahayag ng NHWU.
Nagagalak na ibinalita ng unyon na natanggap na rin sa bagong pinag-applyan niya si “Jane” at magsisimula ng magtrabaho sa unang araw ng Pebrero.
“Okay na po ako ngayon at tapos na po ang aking kaso at lahat po ng aking
reklamo ay maayos po naming napagkasunduan ng aking employer sa tulong ng unyon at gabay nila sa amin para makuha ko ang hustisya. Mag-uumpisa na po ako ngayon sa bagong trabaho bilang factory worker,“ ayon naman kay “Jane.”
Para sa NHWU, isa sa pinakamalaking problema ng Pinoy workers sa Taiwan ay ang non-inclusion ng caretakers at domestic workers sa Labor Standard Act ng Taiwan kung kaya’t isinusulong nilang maisama ang migrant home-based workers sa nasabing labor standard para sa mas mahigpit na parusa laban sa mga employer na lumalabag sa mga karapatan ng mga migranteng manggagawa. Kung kaya’t masigasig nilang isinusulong ang kanilang mga mungkahi para mapangalagaan ang mga karapatan at kapakanan ng mga migranteng manggagawa lalo na ng mga kababayang Pinoy.
“Isinisulong din namin ang direct government to government hiring para
mabawasan ang pasanin ng mga manggagawa na kinakaltasan ng sahod
ngunit wala namang nakukuhang tulong mula sa broker...Sa pangmatagalan na layunin naman ay tinatanaw namin na walang Pilipino na ang kailangan pang mangibang bansa, maipit sa bulnerableng kalagayang pangtrabaho, at mapalayo sa kanilang mga mahal sa buhay para lang sila ay makapaglagay ng pagkain sa lamesa at masustentuhan ang kanilang mga pangangailangan,” ayon pa sa unyon.

Kaya’t hinihikayat ng NHWU ang mga kapwa Pinoy home-based worker sa Taiwan na makiisa sa pagsusulong ng kanilang mga karapatan:
“Dapat tayo mismo ay alam natin kung ano ang ating mga karapatan at maging matapang tayo sa pakikipaglaban para dito. Hindi din sasapat kung tayo ay mag-isa lamang titindig. Ang kapangyarihan natin ay nasa ating sama-samang pagkilos kung kaya’t ineenganyo din namin ang mga home-based worker na sumali ng unyon at sama-samang kalampagin ang gobyerno ng Taiwan at maging ang gobyerno ng Pilipinas na bigyang importansya, pangangalaga, at proteksyon ang mga manggagawang home-based.”
Laking pasalamat naman ni “Jane” sa NHWU sa taus-pusong pagtulong na natanggap niya:
“Napakalaki ng tulong po ng unyon sa akin na hindi ko po makakalimutan bilang isang OFW na malayo sa pamilya. Hindi ko inaasahan na pagpunta ko sa ibang bansa ay may isang unyon na tutulong sa ‘kin para mabago ang aking kinabukasan, magkaroon ng mas magandang trabaho at makaramdam ng pagkapantay-pantay na turing sa ‘min at makaramdam o makatagpo ng unyon na ituturing kang pamilya at magbibigay ng tulong sa ‘yo nang walang kapalit,” ani “Jane.”