Unang batch ng Pinoy evacuees mula Afghanistan, dumating na sa Pilipinas
Nakauwi na ngayong linggo ang unang batch ng mga Pinoy evacuees mula sa Afghanistan sa kabila ng kaguluhan sa bansa dahil sa muling pamumuno ng Taliban.
EMEA Admin | August 18, 2021
Nakauwi na ngayong linggo ang unang batch ng mga Pinoy evacuees mula sa Afghanistan sa kabila ng kaguluhan sa bansa dahil sa muling pamumuno ng Taliban. Ayon sa Department of Foreign Affairs, 35 Pilipino ang unang batch na pinauwi ng kanilang mga employers. Lumipad muna sila pa-Doha, Qatar at saka sumakay ng chartered plane pauwi ng Manila.
Ipinag-utos na rin ng pamahalaan ng Pilipinas ang mandatory repatriation ng mga Pilipino sa Afghanistan noong pumutok ang balita ng pagkontrol ng mga Taliban sa presidential palace at buong kapitolyo ng Kabul.
Humigit-kumulang 200 Pilipino ang naninirahan sa Afghanistan kasalukuyan. Karamihan sa kanila ay nagtatrabaho bilang mga propesor, accountant, hotel manager, company manager, at engineer.
Umapela naman ang ilang senador na dapat bilisan na ang repatriation efforts ng mga Pilipino mula sa nagkakagulong bansa. Pakiusap ni Sen. Francis Tolentino sa DFA at DOLE bilisan na ang paglikas sa mga overseas Filipino worker na nagtatrabaho sa Afghanistan.
“As the humanitarian, political, and security crisis in Afghanistan continues to worsen, the need to immediately repatriate the remaining Filipinos in Afghanistan becomes even more urgent as each day passes,” ani Tolentino.