Nagkasundo ang dalawang bansang tapusin ang mutual travel and deployment ban ng mga Filipino workers papuntang Oman. Ayon kay POEA head Bernard Olalia, pumayag ang Oman na tanggalin na ang travel ban sa Pilipinas noong nagpulong sina Labor Secretary Silvestre Bello III at Oman Ambassador Munther Mahfoodh Salem Al-Mantheri. “Oman government clarified it was not their intention na harangin pagpasok or entry ng mga OFWs at Filipino travelers sa Oman,” ani Olalia.
Matatandaang idineklara rin ni Bello noong nakaraan na sa oras na tanggalin ang ban sa Pilipinas ay tatanggalin na rin nito ang suspensyon ng OFW deployment papuntang Oman. “So, nagkaroon kami ng kasulatan. Nagpirmahan na kami kahapon. Ang pangako ni Ambassador Al-Mantheri, kakausapin niya ang gobyerno nila na i-lift na yung ban. Siguro pag ni-lift niya yung ban, i-lift ko na yung suspension,” ani Bello.
Ayon sa ABS-CBN News Channel (ANC), mahigit 1,000 na OFWs ang makikinabang sa pag-alis ng naturang travel and deployment ban sa pagitan ng dalawang bansa.
Nasa 200,000 Filipinos naman ang kasalukuyang nakatira sa Oman bilang OFWs at migrants.
Image Source: Teleradyo