Pinarangalan ang The Filipino Nurses Association UK sa BAME Health Care Awards bilang ‘Community Initiative of the Year.’ Isa layunin ng BAME na mabigyan ng pagkilala ang kontribusyon ng ethnic minorities sa UK lalo na sa panahon ng pandemya.
Ayon kay Arlene Bautista, veteran nurse at FNA officer, July 2020 lang daw nabuo ang kanilang grupo sa gitna ng COVID pandemic, sa ilalim ng layunin na magkaroon ng sapat na representasyon para sa Filipino nurses sa UK. Ito raw ang ‘silver lining’ ng COVID para sa kanilang mga Pinoy nurses na nawalan ng mga kaibigan at kasamahan sa trabaho dahil sa COVID. Mahigit 60 Filipino frontliners ang nasawi dahil sa COVID-19 sa UK.
Nabuo ang inisyatibo ng FNA para rin tulungan ang mga bagong dating na Pinoy nurses noong kasagsagan ng pandemya sa UK. Ani Bautista, sinabak agad sa COVID wards ang mga baguhang nurses kung kaya’t nagdesisyon silang bumuo ng grupo para magbigay ng suporta at guidance.
Kinilala rin bilang ‘Nurse of the Year’ ng BAME si Ariel Lanada, Divisional Educational Lead for the Neurosciences, Orthopedics, Trauma Specialists, Surgery, Children’s and Neonates’ Division sa Oxford University Hospitals – NHS Foundation Trust.