Bida ang Filipino artistry sa mga looks na isusuot ni Miss Universe Philippines Rabiya Mateo sa nalalapit na Miss Universe pageant.
Inanunsyo ng Miss Universe PH Official sa kanilang Instagram account na si Dubai-based Filipino designer Furne One Amato ang siyang nagdisenyo ng mga isusuot ni Rabiya sa prelims at finals ng Miss Universe. “Furne Amato’s masterpieces will display ostentatious Filipino artistry in both preliminary and finals of the Miss Universe pageant,” pahayag ng Miss Universe PH Official.
Si Furne One ay kilalang fashion designer na naka-base sa Dubai. Nabihisan na niya ang mga sikat na Hollywood celebrities tulad nina Beyonce, Katy Perry, at Ariana Grande. Siya rin ang nag-disenyo ng swimsuits noong nakaraang Miss Universe Philippines pageant kung saan nanalo si Rabiya Mateo.
Isa pang world-class Pinoy designer na nakilala rin sa Dubai ang nag-disenyo naman ng national costume ng pambato ng Pilipinas sa Miss U. Bago siya pumanaw, dinisenyo ng avant-garde designer na si Rocky Gathercole ang national costume ni Rabiya. Kinumpirma rin ng Miss Universe PH Official account na magbibigay-pugay si Rabiya sa namayapang Pinoy designer sa pamamagitan ng pagsusuot ng kaniyang huling creation para sa kaniya. “Miss Universe Philippines pays tribute to the late @verygathercole through his neoteric creation, in collaboration with jewelry master, Manny Halasan,” anila.
Kilala rin sa Dubai at sa international stage si Gathercole. Ilan sa kaniyang mga kliyente sina Lady Gaga, Britney Spears, Nicki Minaj, at Jennifer Lopez. Pumanaw siya sa sakit sa puso nitong March 3, 2021.
Ang Miss Universe pageant ay idaraos sa darating na May 16, 2021 sa Seminole Hard Rock Hotel & Casino, Hollywood, Florida, sa Estados Unidos.
Image credit: Instagram/Miss Universe PH Official