Executive chef na ngayon sa isang five-star hotel sa Dubai ang OFW na si Ricardo Bojador. Sa kanyang Rappler interview, binahagi ni Bojador na dati siyang dishwasher sa isang five-star hotel sa Ermita, Manila, para matustusan ang kaniyang pangangailangan bilang isang law student.
Tubong Bicol ang Pinoy chef, na dahil sa pagbabago ng ihip ng kapalaran ay kinailangang mag-drop out noon sa kolehiyo mula sa University of the East. Nagtrabaho siya ng full-time para masuportahan ang kaniyang mga kapatid at magulang.
2006 nang tumulak si Bojador pa-Dubai para magtrabaho sa isang Japanese restaurant bilang kitchen helper. Aniya, hindi naging madali ang kaniyang pinagdaanan, pero dahil sa determinasyon na mas maging mahusay na chef, araw-araw niyang sinikap na pag-igihin pa ang kaniyang trabaho.
“The struggle was real,” kuwento ni Bojador sa kaniyang interview. “My mission was to gain the skills required to be great in my field, and I worked towards that every day. I put in the hours, worked silently and focused on my goal, hoping that my food and work would one day speak for itself.”
Mula noon, dahan-dahan nang umangat ang karera ni Bojador bilang chef. 2008 nang maging parte siya ng Jumeirah Group Hotels bilang demi chef, kung saan nagtrabaho siya ng 5 years. Pagtungtong ng 2013 ay naging senior sous chef naman siya ng Katsuya by Starck, kung saan sumailalim rin siya ng training sa Los Angeles bago sumabak sa Kuwait para simulan ang Middle Eastern branch ng Katsuya.
Ilang beses pang na-promote si Bojador sa paglipas ng mga taon–bilang head chef, at pagkatapos, bilang executive chef naman ng naturang restaurant na kinilala rin ng BBC Good Food Awards bilang “Best Japanese Restaurant.”
Sa kasalukuyan, executive chef si Bojador sa Wakame fine-dining restaurant sa Sofitel Hotel, downtown Dubai.
Payo ni Bojador sa mga kapwa-OFW, huwag sumuko at magsikap araw-araw. “Focus lang po sa trabaho. ‘Wag susuko at higitan mo kung ano ang nagawa o na-accomplish mo kahapon. Every day dapat may progress ka, maliit man o malaki.”–May mga ulat mula sa Rappler at Hotelier Middle East
Image Credit: Hotelier Middle East website