Pinabilib ng Filipino designer na si Lionell Christian Lanuzo ang European fashion community nang itampok niya ang kaniyang mga obra sa “Lange Nacht der Konsulate” (Long Night of the Consulates) na ginanap sa Stuttgart, Germany. Inirampa ng kaniyang mga models ang mga kasuotang gawa sa capiz, sigay, papel, at mga barong tagalog na puno ng beads at perlas.
Tubong San Fernando, Pampanga, si Lanuzo, at nagtapos ng industrial chemistry mula sa Istituto Tecnico Industriale Ettore Molinare sa Milan. Siya ay kasalukuyang naka-base sa Milan, kung saan bukod sa pagiging designer ay nagta-trabaho rin siya bilang receptionist sa hotel na 11 taon na niyang pinagtatrabahuhan.
Naitampok na rin ng Philippine Consulate General sa Frankfurt ang mga likha ni Lanuzo nitong Abril, sa kanilang virtual exhibit na pinamagatang “GOLDEN TREASURES: Culture, Art and Tradition of Our Filipino Ancestors.” Inilunsad ang naturang exhibit bilang komemorasyon sa ika-5oo na anibersaryo ng Victory at Mactan, at ng parte ng Pilipinas sa unang pag-ikot sa buong mundo.
Sa isang interview, ibinahagi ni Lanuzo na nasa highschool pa lamang siya nang i-petisyon siya ng kaniyang mga magulang para tumira at mag-aral sa Italy. Kuwento niya, nahirapan daw siyang mag-adjust noong simula dahil sa language barrier at sa mga pagkakaiba ng European at Pinoy culture. Gayunpaman, napagtagumpayan ni Lanuzo ang kaniyang pag-aaral.
Para sa kaniya, tila magkalayo man ang kursong tinapos niya at ang kaniyang kasalukuyang propesyon, itinuturing niyang matibay na pundasyon para sa kaniyang fashion design aesthetic ang mga natutuhan niya sa chemistry. Tulad raw ng pag-intindi sa mga interaksyon ng iba’t-ibang kemikal, ganon din niya tinitingnan ang mga materyales na ginagamit niya sa kaniyang mga disenyo. Aniya, mas maiinitindihan niya ang ‘flow’ ng mga tela at ang mga kombinasyon dahil sa kaniyang academic background.