Itinalaga ni US President Joe Biden si Camille Calimlin-Touton bilang Deputy Commissioner ng US Bureau of Reclamation. Siya ang kauna-unahang Filipino-American na mamumuno sa naturang ahensiya.
Si Calimlin-Touton ay tubong Calasiao at Dagupan, Pangasinan. Nagtapos siya ng BS in Engineering (Civil), BA in Communication Studies, at Master of Public Policy sa US. Elementary pa lang si Calimlin-Touton nang mag-migrate kasama ang kanyang mga magulang na sina Marlene Bangsal at Carl Calimlin, parehong Pangasinense.
Nagsilbi rin si Calimlin-Touton bilang counsel sa mga U.S. Senators, Members of Congress, at naging leader sa Department of Interior’s Office of Water and Science noong Obama Administration.
Ayon kay Representative Grace Napolitano ng 32nd District of California, makasaysayan ang pangyayaring ito dahil si Calimlin-Touton ang unang Fil-Am na naitalaga sa naturang tungkulin.
Ang Bureau of Reclamation ay isang federal agency sa ilalim ng US Department of the Interior, na siyang namamahala sa mga water resources ng bansa. Ito ang pinakamalaking wholesaler ng tubig, at pinakamalaking prodyuser ng hydroelectric power sa US.
Naging masaya ang pagdiriwang ng mga nasa Estados Unidos kamakailan sa kabila ng pandemya nang mahalal si Joe Biden bilang ika-46 na presidente ng US.
Magandang balita rin ito para sa mga Pinoy na nagtatrabaho sa US dahil sa inilahad ni Biden na mga programang makakatulong sa mga immigrants doon tulad ng immigration bill na may 8-year citizenship path at ang pagbalik ng H-2B visa para sa mga working Pinoys. Dalawang taong natanggal sa eligibility list ng H-2B visa ang Pilipinas sa ilalim ng administrasyon ni President Donald Trump.
Image Credit: MIT Water on Twitter