Itinaas sa unang pagkakataon ang Philippine flag sa makasaysayang River Liffey sa Dublin, Ireland. Ito ay bilang pagkilala sa ika-123 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas. Itinaas ang bandera ng Pilipinas katabi ng Irish flag, bilang pagkilala umano sa mahalagang kontribusyon ng mga Pilipino sa Irish community, at bilang simbolo ng matibay na ugnayan ng dalawang bansa.
Mahalagang cultural icon ang River Liffey sa Dublin kung kaya’t dito napili ng mga opisyales na itaas ang bandila ng dalawang bansa. Ayon kay Dublin Deputy Mayor Mary Callaghan, itinuturing na tahanan ng maraming Pinoy ang Ireland at kinikilala nila ang mahalagang kontribusyon ng mga Pinoy sa iba’t-ibang sektor ng kanilang bansa.
Ayon sa pinakahuling census, nasa 16,000 Pinoy ang kasalukuyang nagtatrabaho sa Ireland bilang healthcare workers tulad ng nurse, hospital staff, at caregivers.
Panoorin ang flag raising ceremony mula sa orihinal na post at ulat ng Juan EU Konek FB page.