Sa muling pagluluwag ng COVID-19 restrictions sa Belgium, napili ang obra ng Filipina painter na si Aurea Calanog na maitampok sa art exposition sa Brussels. Pinamagatang ‘La Traverser’ o ‘to cross’ ang naturang painting, na nagpapakita ng hirap at sakripisyo ng isang magsasaka para matiyak ang kinabukasan ng kaniyang pamilya sa kabila ng pandemya.
Kuwento ni Calanog, marami raw siyang naipinta habang lockdown, pero ito ang napili ng kaniyang propesor na i-feature sa naturang expo. Pinuri naman ng direktor ng expo ang gawa ng Pinay artist. ‘It’s very fine, and the light is very beautiful,’ ani Jacques Vandenheede, direktor ng Ecole Des Arts D’ixelles.
Ayon naman kay Calanog, proud siya at nagpapasalamat sa pagkakataong makasama sa naturang expo ang kaniyang dibuho. Aniya, sana raw ay mas mabigyan pa ng maraming pagkakataon ang tulad niyang Pinoy artists na maipakita ang kanilang galing sa sining.