Sa Senate hearing na idinaos nitong May 4, 2021, inilantad ng Pinay OFW na si alias “Alice” na dalawang taon siyang humhingi ng tulong mula sa immigration officers ng Pilipinas. Pero sa kabila umano ng paghingi ng saklolo, hinayaan lamang siya ng PH officials sa Middle East, kasama na ang iba pang distressed OFWs, na maging biktima ng human trafficking sa Syria.
May 1, 2021 na-repatriate pabalik ng Pilipinas si Alice kasama si Marites Pantonal, kapwa OFW na na-traffick din sa Syria.
Inilahad ni Alice sa Senate hearing na ka-group chat nila ng mga distressed OFWs ang ilang opisyal ng DFA migrant workers office at isang dating Ambassador. Dalawang taon rin umano silang nag-eemail para humingi ng tulong. Tanging ang Civil Service Commission lang daw ang sumagot para kumpirmahin ang kaniyang repatriation, pero binawi rin ito kaagad.
Napag-alaman naman ni Charge d’ Affaires Vida Verzosa ng Philippine embassy sa Damascus na nagkaroon ng anomalya sa pagitan ng employment agency ni Alice at ng PH officials. Nagsinungaling umano ang agency at ni-report na nasa maayos na kalagayan si Alice. Sa katunayan, lumabas na binili si Alice ng kaniyang employer sa Syria sa halagang $1000 mula sa kaniyang agency.
Sa isang statement, nanawagan si Senate Committee chairperson para sa Women, Family Relations and Gender Equality na si Senator Rissa Hontiveros sa DFA na mag-imbestiga pa para masiguradong wala nang Pilipinong biktima ng trafficking sa Syria. Aniya “I laud the DFA, particularly the embassy in Damascus, for its swift action after our hearing. While we are grateful that Alice and Marites are no longer in Syria, the DFA should continuously investigate if there are still trafficked Filipinos in the war-torn country who are not yet in their custody.”
Nagpaabot rin ng madamdaming pasasalamat kay Senator Hontiveros si Alice sa pamamagitan ng isang video. “Sana po ay hindi kayo magsawang tumulong sa mga kagaya namin,” aniya.
Image and video credit: Facebook/Senator Rissa Hontiveros