OFW cancer patient na galing Saudi, binawian ng buhay habang naka-quarantine sa Cebu
Binawian ng buhay ang OFW na si Rachelle Sagonoy sa isang hotel quarantine facility sa Cebu sa kabila ng mga pakiusap na ilipat na siya sa ospital.
Shin Kitane | August 27, 2021
Binawian ng buhay sa isang hotel quarantine facility sa Cebu ang OFW mula Saudi Ararbia na si Rachelle Sagonoy. May cervical cancer si Sagonoy kung kaya't ipinakiusap umano ng kaniyang pamilya na agad siyang mailipat sa ospsital matapos mag-negative sa COVID RT-PCR test noong ika-10 ng Agosto.
Ayon sa pamilya ng OFW, hirap nang huminga si Sagonoy bago pa man siya ipasok sa quarantine facility, kung kaya't sinubukan nilang maipalipat si Sagonoy sa ospital para sa atensyong medikal.
“Gusto ko na talagang ma-confine, sabi niyang ganon. Wala namang problemang i-quarantine siya kahit ilang araw pa ‘yan basta nasa ospital. Doon siya i-quarantine. Bakit sa hotel pa siya kailangan i-quarantine,” kwento ng pinsan ni Sagonoy.
Pahayag ng pamilya ni Sagonoy sa local media, hindi napagbigyan ang kanilang pakiusap dahil umano sa kakulangan ng mga hospital rooms sa gitna ng pandemya.
Sa kasamaang palad, pumanaw si Sagonoy sa araw ng pagtatapos ng kaniyang quarantine period. Ito sana ang huling araw ng pag-iintay bago siya makauwi sa kaniyang pamilya. Sa halip, pumanaw siyang nakikita lamang ang pamilya sa pamamagitan ng chat at video calls. Naiwan ni Sagonoy ang dalawang anak na hindi man lamang nakita ang kanilang ina bago ito namayapa.
Balak ng pamilyang magsampa ng kaso laban sa OWWA at BOQ kaugnay ng pangyayaring ito. “Ayaw na naming may isa pang OFW na ganito ang mangyari. Nais naming magsampa ng kaukulang reklamo sa pamunuan,” Ani Ma. Cecilia de Guia, pinsan ni Sagonoy.
Pahayag naman ni Councilor Joel Garganera hepe ng Cebu City Emergency Operations Center, inaayos na raw ng Department of Health (DOH) at ng Overseas Workers Welfare Association (OWWA) ang naturang insidente.
“We are saddened by this news and we extend our condolences to the family. As for the EOC, this matter is solely within the jurisdiction of OWWA and the DOH since this involves an OFW so we can only wait for the result of their investigation regarding this matter,” ani Garganera.
Image Credit: J Shim on Unsplash