Mula sa ulat ni Jofel Tesorio, TFC News
Ginawaran ng Knight of The Order of Orange-Nassau ang Filipina scientist na si Dr. Mary Pelagio-Sayoc para sa pagsulong ng Dutch-expertise na agrikultura sa Pilipinas. Dahil sa naturang kontribusyon, natulungan ng Pinay scientist na pataasin ang produksyon ng mga magsasakang Pilipino.
Ang award ay ibinigay kay Dr. Mary sa kaarawan ng hari ng The Netherlands, at iginawad ito sa kanya ni Dutch Ambassador to the Philippines Saskia de Lang.
Kasabay ring ginawaran ng naturang award si Dirk Van Campenhout, isang Dutch national na inilaan ang 42 taon ng kaniyang buhay sa pagtulong sa mga magsasakang Pinoy sa Negros. Nauna namang ginawaran ng royal award ang Pinay na asawa ni Van Campenhout na si Corazon Alarcon. Tubong Bacolod naman si Alarcon at kinilala para sa kaniyang 30 taong volunteer work para sa Filipina migrants sa Europe at The Netherlands.
Ang Royal Awards ay ibinibigay taun-taon bago ang kaarawan ng hari (April 27) para parangalan ang mga ordinaryong mamayan, maging Dutch man o foreigner, na tumutulong sa lipunan sa abot ng kanilang makakaya bilang volunteers.