Kinilala ang 47-year-old Filipina nurse na si Charito Romano bilang isa sa mga awardees ng "British Empire Medal" para sa kanyang natatanging serbisyo sa UK sa gitna ng COVID-19 pandemic. Nakabilang si Romano sa New Year Honour's List ni Queen Elizabeth, at tumanggap siya ng confirmation letter kamakailan lang na nagsasaad na tatanggap rin siya ng medalya.
Ginawaran din ng naturang award ang isa pang Filipina nurse sa UK na si Minnie Klepacz, na nakapanayam naman ng TFC News noong October 2020.
Graduate ng Wesleyan University noong 1994 si Romano, at nagtrabaho siya bilang nurse sa UK simula noong taong 2002. Sa gitna ng pandemya, siya ang namamahala sa 42-bed-capacity care home na may record na zero COVID deaths simula pa noong Marso 2020. Ang manager ni Romano na si Mr. Jonathan May ang siyang nag-nominate sa Filipina nurse dahil sa kanyang katangi-tanging serbisyo sa kabila ng kanilang mahirap na trabaho.
"It's really overwhelming...a lot of nurses have died during this pandemic and I feel for them. They were really the true heroes. But being awarded with this prestigious award just shows that the UK indeed is a diversified country." ani Romano.
Nagkaroon ng asymptomatic COVID si Romano noong Setyembre 2020, at agad rin siyang naka-rekober. Ngayon, sa gitna ng muling pagtaas ng COVID cases dahil sa bagong variant ng coronavirus, kumpiyansa si Romano na malaking tulong ang naging experience nila noong nakaraang taon para mas maging handang harapin ang mga hamong hatid ng tinaguriang "UK variant" ng COVID.