POLO-Berlin nagsagawa ng “The Digital OFW” online training seminar kasama ang Digital Tayo sa Facebook at BounceBack Philippines gamit ang Zoom nitong March 28. (Photo courtesy of POLO-Berlin)
BERLIN - Mahigit 120 migranteng Pilipino sa Germany, Belgium, Luxembourg, The Netherlands, at Russia ang nakilahok sa pilot online digital literacy training program na pinamagatang 'The Digital OFW' na pinamunuan ng Philippine Overseas Labor Office sa Berlin kasama ang Digital Tayo mula sa Facebook at BounceBack Philippines gamit ang Zoom nitong March 28.
'Dahil sa pandemya, nagkaroon ng acceleration of digital services sa pang araw-araw nating buhay. Nakita po namin na mayroong digital divide sa ating overseas migrant community kaya minabuti naming gawin ang training na ito. Para walang maiwanan.', sabi ni Philippine Ambassador to Germany Ma. Theresa Dizon-de Vega sa mga dumalo.
Dahil halos 90% ng participants ay kababaihan, naging sakto ang training sa paggunita International Women’s Month. Kasama ni Ambassador de Vega si Philippine Ambassador to Belgium, Eduardo Jose de Vega, Philippine Ambassador to The Netherlands, Jose Eduardo Malaya III, at Philippine Ambassador to Russia Carlos Sorreta na nagbigay din ng kanyang talumpati sa pagsisimula ng virtual program.
Ang 'The Digital OFW' ay ginawa para mabigyan ng basics skills ang mga OFW upang magamit nila ang iba't-ibang online services at maging responsable sa paggamit ng social media. Ipinaliwanag ng POLO-Berlin ang paggamit ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA mobile application at ang Abot-Kamay ang Pagtulong o AKAP online application form.
Ang BounceBack Philippines at Digital Tayo sa Facebook ay nagbigay ng lecture tungkol sa kasanayan at tamang gamit ng online resources para maging mas epektibong digital OFWs ang mga lumahok.
Ipinalabas din ang recorded message ni Labor Secretary Silvestre Bello III. Sabi ng kalihim, karamihan ng government regulations at mga serbisyo ay ipinamamahagi na online kaya saktong-sakto ang training program sa pangangailangan ng OFWs.
Ibinalita rin ni Labor Attaché Delmer Cruz ang plano ng 'TheDigital OFW' na mag-organisa ng trainer
at mentor´s pool na magsasagawa ng mga susunod na learning sessions. - END
Source: DFA website
Para sa karagdagang impormasyon, basahin: https://dfa.gov.ph/dfa-news/news-from-our-foreign-service-postsupdate/28824-ofw-digital-literacy-drive-launches-in-germany- belgium-netherlands-russia