Mula sa Ulat ni Milani Sanchez Regalado
International book author na ang dating pocketbook writer sa Pilipinas na si Maria Flores Isler. Dati siyang nagsusulat ng mga storya para sa “Precious Hearts Romances” sa ilalim ng kanyang pen name na Kathleen Guiller.
Ngayon, kasabay ng pagiging OFW sa Dubai ay inilathala na rin ni Isler ang kanyang kauna-unahang libro sa ingles, na pinamagatang “You Are Beautiful.” Puno ito ng mga kwento tungkol sa mga iba’t-ibang isyung hinaharap ng kababaihan. Layon ni Isler sa kanyang akda na maging boses para sa women empowerment. Aniya, maraming kinakaharap na hamon ang mga babae, tulad na lamang ng self-sabotage o pagdududa at pagkawala ng kumpyansa sa sariling kakayanan, emotional abuse, at depression.
Dagdag pa ng editor ng “You Are Beautiful” na si Amal Bechir, bilib sya sa akda ni Isler dahil napaka-relatable nito sa mga kababaihan. Tinatalakay kasi ang mga usapin tulad ng heartbreak, career problems, pagiging single mother, at marami pang iba.
Bukod pa rito, ido-donate rin ni Isler ang bahagi ng proceeds mula sa kanyang libro sa charity sa Pilipinas. Layon niyang makapagbigay ng porsyento ng kanyang kita para sa mga may adbokasiyang tumulong sa mga inabusong babae at bata.
Mabibili ang librong “You Are Beautiful” sa Amazon.