‘Dakilang Bayani Awards 2021,’ kinilala ang mga natatanging Pinoy sa UAE
Pitong natatanging pinoy Sa UAE, pinarangalan ng konsulado
EMEA Admin | July 14, 2021
Kinilala ng Konsulado ng Pilipinas sa Dubai ang natatanging kontribusyon ng pitong OFWs sa UAE sa pamamagitan ng ‘Dakilang Bayani Awards.’ Layunin ng naturang award-giving body na parangalan ang mga Pinoy na mangagawa para sa kanilang pagpupursigi sa kabila ng mga hamon ng pandemya.
Kasama sa mga pinarangalan ang world-class Pinoy designer na si Michael Cinco, na kilalang manlilikha ng gowns ng Miss Universe candidates at Hollywood celebrities. Pinarangalan rin ang beteranong reporter na si Angel Tesorero, at ang founder ng Illustrado Magazine na si Lalaine Chu-Benitez.
Ayon kay Dr. Rex Bacarra, parte ng screening committee para sa Dakilang Bayani Awards, hindi naging madali ang kanilang pagpili ng awardees dahil napakaraming masikap at katang-tanging Pinoy sa Dubai.
“Hindi lang po ‘yung success sa career niya, hindi lang po success sa pera, hindi rin po success sa fame, kung hindi ang tinitingnan natin ay kung nagiging inspirasyon at nagiging impluwensiya siya sa mga henerasyon na tumitingin sa kung ano talaga ang tunay na bayani,” pahayag ni Dr. Bacarra tungkol sa mga naging batayan ng pagpili nila sa mga awardees.
Ayon naman kay Consul General Paul Raymund Cortes, ito ang nais nilang iparating sa pamamagitan ng Dakilang Bayani Awards: “Ang layunin ay para magkaroon ng magandang kuwento ng mga kababayan natin para lalong ma-inspire yung mga ibang Pilipino (…) and hopefully contribute even more to the UAE society.”–Mula sa ulat nina Benjie Cañamaso at Raquel Salinel, TFC News