31 Pinoy evacuees mula Afghanistan, nakauwi na sa Pilipinas ayon sa DFA
Patuloy ang repatriation ng mga distressed OFWs mula sa Afghanistan.
Shin Kitane | September 01, 2021
Nakauwi na sa Pilipinas ang 31 OFWs na karagdagan sa kabuuang bilang ng mga kinailangang ilikas mula sa Afghanistan. Ayon sa DFA, nilikas muna ang mga Pinoy mula Afghanistan papuntang Islamabad, Pakistan. Dumaan rin sila sa Doha, Qatar kung saan sila naghintay ng kanilang repatriation flight.
Sa kasalukuyan, mayroon pang isang Pinoy na naghihintay ng repatriation sa Islamabad, Pakistan. 188 na Pinoy na ang nailikas mula sa nagkakagulong bansa dahil sa pagsalakay ng Taliban sa Kabul.
Pahayag ng DFA, patuloy nilang susubaybayan ang sitwasyon ng mga natitira pang Pinoy sa Afghanistan. "The Department continues to closely monitor the situation and the status of remaining Filipinos in Afghanistan," anila.
23 katao pa ang naitala ng DFA na naninirahan sa Afghanistan. Pito sa kanila ang nanghihingi ng tulong na ma-repatriate mula sa bansa.