100 OFWs mula sa Kuwait, na-repatriate na pabalik ng Pilipinas
100 kasama ang 14 na may medical conditions, nakauwi na sa Pilipinas
Mula sa Ulat ni Robert Bulquiren, TFC News Kuwait | July 19, 2021
Nakauwi na ng Pilipinas ang 100 OFWs, kabilang ang 14 kataong may medical conditions. Lulan sila ng isang chartered Kuwait Airways flight. Sa tulong ng DOLE, naitaas sa 100 ang bilang ng mga repatriates na dapat sana ay nasa 35 katao lamang.
Ayon kay Labor Attache Nasser Mustafa ng POLO-Kuwait, sinikap nilang i-request ang pagtataas ng bilang ng makakauwi ng Pilipinas dahil sa pangangailangan ng mga repatriates na may karamdaman na makakuha ng direct flight pauwi ng Pilipinas sa lalong madaling panahon.
Isa na rito ang cancer patient na si Merlinda Salvador, na nagtrabaho sa Kuwait ng 30 taon bilang bakery staff. Malaki ang pagpapasalamat ni Salvador at ng iba pang repatriates dahil sa mabilis ang kumbinyenteng proseso ng repatriation pauwi.
Ayon kay Labor Attache Mustafa, umaasa siyang maaprubahan muli ang susunod na batch ng repatriation ng mahigit 180 distressed Filipinos sa Kuwait.
Paalala naman ng POLO-Kuwait sa mga Pinoy workers na nagnanais umuwi ng Pilipinas, humingi lamang ng tulong sa POLO office para mabigyan ng karampatang tulong. Dagdag pa ni Labor Attache Mustafa, mahirap kasing kumuha ng seats ngayon at mataas ang presyo ng tickets pauwing Pilipinas, kung kaya’t hinihikayat nila ang mga Pilipinong lumapit sa POLO.